Tribute Letter to My Mother
Tribute Letter to My Mother

Tribute Letter to My Mother

Hi Ma,

Nine years na po akong nagtatrabaho sa una kong kumpanya simula nung grumaduate. Pati sa apartment sa Makati – naka-nine years na din ako. Pag naririnig ng mga kakilala ko sasabihin kadalasan, “Wow, loyal.” Lingid sa kaalaman nila kailangan ko ng stable na trabaho para matupad ang pangarap kong patapusin ang mga kapatid ko sa pag-aaral… para hindi masayang ang sinimulan nyo ni Pa. Lalo na sa’yo, Ma, na pumayag para pag-aralin ako dito sa Laguna kahit taga-Isabela tayo at sa pagpunta mo sa Malaysia bilang OFW para maiahon ang pamilya natin sa kahirapan.

College days
Ma, noong 1st year college may time po na na-adik ako sa computer games. Isang sem yun. Araw-araw akong nasa computer shop. Yung akala mo andaming pera. Pero sa totoo lang buwan-buwan ay namimili ka kung sa kanila sa Isabela o sa akin mo ipapadala ang sweldo mo galing ibang bansa. Hindi lang din sinasabi sa bahay na tuwing humihingi ako ng allowance nababawasan ang alagang baboy ni Pa. Isa-isa nilang hinihila at ibinebenta yung mga baboy para magka-allowance ako. Di ko agad na-appreciate ang mga ginagawa niyo dati na habang nasa college ako, bawat galaw niyo para sa akin,  gastos dito, gastos doon. Minsan lumalapit kayo sa kamag-anak, kaibigan, at pati sa gobernador para may maipantustos ako sa pag-aaral. May isang enrolment dati na magbabayad na ako ng tuition fee tapos kulang ng 200 pesos yung hawak ko. Buti may dumaan na kakilala sa Navs. Si Klein. Kinapalan ko ang mukha ko at di na nagdalawang isip. Hinabol ko siya at humiram ng tumataginting na dalawandaang piso. Sinigurado ko kay Klein na babayaran ko ang hiniram kong yun. Yun yung panahong nasa P5,000 ang kabuuang tuition sa UPLB. Nilo-loan natin ang halagang 5,000 na yun dati. Naaalala ko nakikiusap tayo kay Ate Cel para maging co-maker sa loan. Paano pa kaya ngayon at mahigit 20,000 na ang tuition sa isang sem? Naalala ko din yung umiiyak ka nung malaman mong nagsa-summer job ako. Ayos lang yun. Madami akong natutunan sa loob ng dalawang buwan habang nagta-trabaho sa Papu’s Siomai. Na-assign ako sa iba-iba nilang branch: sa Los Baños, sa San Pablo at sa Calamba, depende kung saan kailangan ng tatao. Dahil dun nagkaroon ako ng pambayad ng tuition para sa isang sem. Dun ko na-appreciate ang tulog. Sa unang rest day ko tulog ako buong araw. Dahil ‘ata sa pagod. Sa Papu’s Siomai napalibutan ako ng masisipag na tao. Dun ko din natutunan at naisabuhay ang work ethic na kahit wala sa likod mo ang boss, tuloy lang ang trabaho.

UPLB Freedom Park

Di ko alam kung saan ako pupulutin kung wala yung mga tumulong sa atin. May mga graduate siguro na sasabihin, “Buti na lang may scholarship ako”, “Buti na lang may kaya ang pamilya namin”. Hindi nila agad-agad mari-realize ang pribilehiyo na meron sila. At sa mga kapwa nating nakaranas ng pagiging kapos, alam nilang tuloy lang ang buhay dahil hindi lang sila ang nakakaranas ng kakapusan.

How the Navs have helped me
Ma, nalayo ako sa pamilya natin pero hindi ako pinabayaan ni Lord. Nandyan ang Navs na kasa-kasama ko nung college. Sa bahay sa Isabela natuto akong magluto ng kanin at mga gulay-gulay. Sa college natuto akong magluto ng iba’t-ibang ulam. Na-master ko ang pagluluto ng pancit Canton, Adobo, Pochero, Nilaga, Sinigang, Pininyahan, Ginisang Giniling, Picadillo, Tinola at kung anu-ano pa. Sa apartment dati bawat Sabado o Linggo namamalengke kami at iniimbak sa ref ang mga pagkain. Tapos tuwing gabi ay may nakatoka para magluto ng ulam at maghugas ng mga pinagkainan. Maliban sa natuto kaming magluto, nakakatipid kaming mga housemates. Bonding time na din. Yung apartment ng Navs ay nagsilbing isang maliit na community. Naging concerned kami sa problema ng bawat isa: sa pera, sa subjects, sa pamilya at madaming pang mga bagay.

May isang Linggo na nabuhay ako sa isandaan piso. Nakakabili yun dati ng dalawang kilong bigas at ilang de lata.  Minsan din may nagpapahiram sa akin o nagbibigay. May kwento akong nakakatawa pero nakakahiya. Minsang kakain sa labas, si Kuya Rico nag-abot sa akin ng isaandaan para may ipangkain. Nang papunta na sa kainan biglang di ko na mahanap yung ibinigay niya. Nakakahiya kasi binigyan nya ako ulit para makasabay akong kumain sa karindirya sa labas. Si Kuya Danny nagbibigay ng groceries. Si Kuya Val at Kuya Marlou nanlilibre minsan ng lunch. Nakapag-student assistant ako kay Kuya Rem. Kina Ate Con minsan may free dinner pag madami silang ulam na nasa ref. Minsan si Insan Jimmy ay nagpapadala ng dagdag na allowance para sa akin. Si Insan Jimmy ang nagdala sa akin sa Navs apartment. Ngayon bumabalik-balik pa din ako sa Navs sa Los Baños para mag-unwind at maki-kumusta. Hindi ko ma-imagine ang buhay sa kolehiyo nang wala ang Navs. Religious group sila pero ang kakaiba ay nagfo-focus sila sa lahat ng aspeto ng isang tao. Sa social, spiritual, physical, financial, at kung anu-ano pa. Sa Navigators ko din natutunan na hindi mo kailangang magpalit ng relihiyon para mapalapit lalo kay Lord. Basta patuloy lang sa Bible study, pag-memorize ng mga verses sa Bibliya at sa pagsasabuhay ng mga ito. Mga Navs din ang nag-ambagan para sa self-confidence ko. Sila ang nagbayad para maipaayos ang sira-sira kong ngipin at sa pagpapagawa ng aking pustiso.

While working
Ma, si Matet na sumunod sa akin ang pinakauna kong sinuportahan sa college. Nag-expect ako nang malaki nung maka-graduate siya sa IT. Inisip ko may katuwang na ako sa pagpapaaral sa mga kapatid ko. Kaya lang… pagka-graduate niya, nagpakasal siya agad. Wala na akong nagawa kundi ang ma-frustrate. Sa inis ko di ko kinausap ng isang buwan ang lahat ng nasa Isabela. Noong panahong iyon nai-share ko kay Ate na pakiramdam ko ako lang ang nagtataguyod sa pamilya natin. Sa ngayon okey naman kami ni Tet. May dalawang anak na sila ni Chie.

Tapos, Ma, nung nawala ka nadagdagan ang anak ni ate. Naging tatlo ang anak niya at lahat walang sumusuportang tatay. Yung pangalawa sa tatlo, si Jamaica, nagkasakit minsan at naospital. Humingi ng tulong si Ate sa akin. Pati mga ipon ko sa alkansiya naipadala ko sa Isabela. Nag-abot ako ng tulong at dun ko siya napagalitan. Pinaalalahanan ko siya sa mga pinaggagagawa nya. At bilang respeto din sa’yo, Ma, na nagtrabaho sa ibang bansa, nagkasakit ng Myoma at nawala pero ganun pa din ang pinaggagagawa ni Ate. Nakinig naman siya sa text ko na bigyan din ng respeto ang sarili nya, si Lord at ikaw, Ma. Dun siya nagreply ng, “Magbabago na ako, Kel.” Nagpalipat-lipat si Ate ng trabaho at simula last year naging lady guard siya sa LTO na malapit sa atin. Last year din nung nagpaalam siya para humingi ng tulong para sa pagpapatuloy niya sa pag-aaral habang nasa trabaho. At nitong Mayo sa wakas naka-graduate na din si Ate.

Kung anu-anong frustration pa ang dumating. Pero madami akong natutunan. Isa na dun ay yung dala-dala kong aral hanggang sa trabaho: mas maipapahatid ang mensahe ng gawa kung sinasamahan ng salita.

Hindi rin sila pinapabayaan ni Lord sa Isabela. Simple lang naman ang request ko kay Lord: Lord, malayo po ako sa kanila sa Isabela, keep them safe po. Minsang bumabagyo at nasa labas si Pa. Lumipad yung tindahan ng kapitbahay natin. Naipit ang ulo ni Pa pero buti na lang may suot siyang helmet… kaya walang masamang nangyari sa kanya. At nung minsang nabunggo ang minamanehong tricycle ni Pa sa nakaparadang truck, yuping-yupi ang side car. Mabuti at walang sakay na pasahero si Pa. Tapos sugat lang sa noo ang natamo niya. Si Ate minsan nakasakay sa sidecar ng tricycle. Hindi siya madalas sumandal sa upuan pero sumandal siya nung araw na yun. May parating na motor at mabilis ang takbo. Tumama ito sa sinasakyang tricycle ni Ate. Umikot-ikot ang sinasakyang tricycle ni Ate. Buti nakasandal si Ate at walang masamang nangyari sa kanya. Nung mga huling Linggo ni Lola Openg may pakiramdam akong hindi maipaliwanag. Wala siyang sakit pero dala ng edad ay paunti-unti na siyang nanghihina. Yung nahihirapan na siyang bumangon mag-isa at nahihirapan na siyang lumunok ng pagkain. Nagpe-pray akong wag siya pababayaan ni Lord. At sana may mag-share sa kanya ng Mabuting Balita. Hindi ko akalain na ako din pala ang uuwi sa Isabela para mag-share ng Gospel sa kanya. Walang paliguy-ligoy at pinayagan akong mag-leave sa trabaho. Nung madalaw ko si Lola ay nakapag-share ako sa kanya tungkol kay Jesus. Sa taon niyang 85, nagsabi siya na yun lang daw ang unang pagkakataon na marinig niya ang Magandang Balita ni Jesus. Lumuluha siya habang papahiga pagkatapos kong magshare sa kanya. Pagkalipas ng ilang Linggo nabalitaan kong wala na si Lola. Nagawa ko ding dalawin si Uncle Orlan nung na-confine siya sa Isabela dahil sa kanser sa baga. Nagkaroon siya ng kanser sa baga dala ng matagal nang paninigarilyo. Nakapag-share ako sa kanya ng Gospel ilang buwan bago siya kunin ni Lord.

Ma, may trabaho na ako dati pero hinahabol pa din ng pagiging kapos. Eto suot ko ngayon yung singsing na ibinigay mo nung high school pa ako. Nung baguhan pa ako sa trabaho at naubusan ng allowance, di ako kumain ng isang araw. Buti may libreng Milo sa office. Laman-tiyan din at nakailang timpla ako sa araw na yun. Pag may nagtanong sa office kung nakapag-tanghalian na ako, sagot ko, “Tapos na”. Sabi ni office mate, “Ambilis naman”. Tapos tahimik lang ako. Kinabukasan nun, hindi pa sweldo kaya isinanla ko muna etong singsing para may pansamantalang allowance. Napaisip ako, Lord, kakaiba yung nanay na ibinigay mo sa akin. Wala na siya pero nagpo-provide pa din sya para sa akin. Pagdating na pagdating ng sweldo tinubos ko agad ang singsing na ‘to. Sana hindi na dumating ang pagkakataon na kailangan ko ulit itong isanla.

Huwag ka mag-alala, Ma. Nagbibigay ako ng suporta sa Isabela pero di ko kinakalimutan ang sarili ko sa Maynila. Nung nakabayad ako dati ng tuition sa pang-college nina Mimi at Em-em, binilhan ko ang sarili ko ng SLR na camera. Para patas. Gumagastos ako para sa kanila… at para din sa sarili ko. At nung grumaduate si Mimi nagbakasyon muna ako sa Boracay. At ngayon graduate na si Ate, si Matet at Mimi. Tapos si Em-em nagpapastor, may kanya-kanya na kaming buhay. Oras na din siguro para magfocus ako sa sarili ko.

Current situation
Ma, matagal na ako sa kumpanya. Buti nabibiyayaan ako ng matatalino, mababait at masisipag na ka-opisina. Ginawa na akong senior programmer. Mas malaki ang responsibilidad pero kasabay nun ay mas maayos na sweldo. Sa awa ng Diyos nabawi na natin ang mga nakasanlang lupa. Nakakapagtanim na tayo ulit sa bukid natin. Hindi pala madali ang buhay nina lolo sa pagsasaka dati. Mag-aantay ka ng ilang buwan bago malaman kung maayos ba o hindi ang mga itinanim na palay at mais. Parang negosyo lang. Pwede kang kumita o malugi. Nakabili na din ulit tayo ng pampasadang tricycle ni Pa. Binili natin agad para wala nang huhulug-hulugan si Pa tuwing katapusan. Unti-unti na din nating napapaayos ang bahay kahit papaano. Siguro naman hindi na liliparin ang bubong natin kapag bumabagyo. Ma, mukhang may mabuti ding naidulot ang aking hilig sa pagko-computer. Yun ang nagagamit ko sa trabaho. Tapos sa mga bakanteng oras nakagawa ako ng Android apps. Dina-download siya ng madaming tao. Kumikita ang apps na yun kahit natutulog ako. Ayun, may nai-dodonate tuloy tayo sa Navs at sa CHAI galing sa kita ng Android apps. Kung tutuusin, wala yun kumpara sa mga naitulong nila sa atin. At walang-wala din yun kumpara sa mga matutulungan pa nila sa kaunting suporta natin.

Ma, ikaw ang naging inspirasyon ko kaya ko napapag-aral ang mga kapatid ko. Ayaw kong masayang ang mga sakripisyo sa mga nasimulan mo. Hindi ko na hahayaang may mawala pa sa atin dahil lang sa kakapusan sa pagpapagamot. Andaming nangyari… pero alam kong may plano si Lord at siya ang patuloy na sumusustento sa amin. Madami pa akong kwento pero ituloy ko na lang pag nagkita tayo.

Ang iyong pangalawang anak,
Michael

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *